dzme1530.ph

House arrest, hiling ng 3 dating opisyal ng DPWH Bulacan 1st DEO

Loading

Kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na humiling na mapasailalim sa house arrest ang tatlong dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)–Bulacan First Engineering District na kasalukuyang nakakulong sa Senado matapos ma-contempt sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sinabi ni Sotto na nakatanggap siya ng liham mula sa mga dating opisyal na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza, pawang mga dating district engineers ng DPWH sa Bulacan.

Inihayag din ni Sotto na pag-uusapan pa ng Senado ang kahilingan ng tatlo sa sandaling makabalik sa bansa si Senator Erwin Tulfo, ang acting chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na kasalukuyang nasa official trip sa labas ng bansa.

Samantala, hindi naman nagsumite ng katulad na kahilingan ang contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya, na mayroon nang pending petition for habeas corpus sa Pasay City Regional Trial Court.

Matatandaang na-contempt ng Senado si Hernandez noong Setyembre 8 dahil sa umano’y pagsisinungaling sa Blue Ribbon hearing.

Sumunod namang ipinadetine noong Setyembre 18 sina Alcantara, Mendoza, at Discaya matapos ding ma-contempt ng komite sa gitna ng imbestigasyon kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects sa Bulacan.

Sa kasalukuyan, nananatili sa kustodiya ng Senado ang apat habang hinihintay ang magiging desisyon ng komite sa kanilang mga apela.

About The Author