Nanawagan si Se. Francis “Kiko” Pangilinan sa Malacañang na maglabas ng executive order (EO) upang magtakda ng floor price o pinakamababang presyo ng pagbili ng palay.
Layunin nitong mapanatili ang patas na kita ng mga magsasaka sa gitna ng bumabagsak na farmgate prices.
Ayon kay Pangilinan, dapat itong ipatupad kasabay ng ganap na implementasyon ng Sagip Saka Act (Republic Act No. 11321) upang matiyak na hindi malulugi ang mga magsasaka sa bawat sako ng palay na kanilang itinatanim at inaani.
Kapag aniya ang palay ay binibili lamang ng ₱8 hanggang ₱10 kada kilo habang ang production cost ay nasa ₱14 hanggang ₱15, kulang ang anumang ayuda para punan ang lugi.
Binigyang-diin ni Pangilinan na hindi kailangan ng mga magsasaka ng abuloy, kundi dapat silang bigyan ng patas na presyo sa bunga ng kanilang paggawa.
Ang panawagan ng senador ay kasunod ng pahayag ni Danilo Bolos, isang magsasaka mula Nueva Ecija, na hindi na nila kailangan ng panibagong cash assistance kundi mas mataas na presyo ng pagbili ng palay.
Para kay Pangilinan, ang paglabas ng executive order ay magsisilbing matibay na mensahe na pinakikinggan ng pamahalaan ang hinaing ng mga magsasaka.