dzme1530.ph

Tatlong araw na transport strike ng Manibela, umarangkada na

Loading

Umarangkada na ngayong Lunes ang tatlong araw na transport strike ng grupong MANIBELA laban sa Department of Transportation – Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT).

Paliwanag ng transport group, ang kanilang strike ay bunsod ng patuloy na “pressure” at “torture” umano ng DOTr-SAICT sa mga driver, na bagaman kumpleto at nasa maayos na kondisyon ang mga sasakyan ay tinitiketan pa rin at pinagmumulta ng malaki.

Nagsimula ang transport strike kaninang alas-12 ng madaling araw, habang alas-6 ng umaga naman ang protest rally sa Petron–Commonwealth Avenue, Philcoa, Quezon City.

Idinagdag ng MANIBELA na sa halip na tulungan ni DOTr-SAICT Head Assistant Secretary Tracker Lim, mister ni DUMPER Party-list Rep. Claudine Bautista Lim, ang mga tsuper at operator, ay hinahayaan lamang umano nito na magdusa at maliitin ang mga driver.

Ikinatwiran pa ng grupo na bagaman batid nila ang pangangailangan ng roadworthiness, umaasa silang hindi ito gagamiting kasangkapan para abusuhin ang mga tsuper na maliit lamang ang kinikita.

About The Author