Tinanggap ni Agriculture Sec. Francis “Kiko” Tiu-Laurel ang hamon ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na sila na mismo ang gumawa ng mga farm-to-market roads.
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa panukalang budget ng Department of Agriculture (DA), sinabi ni Tiu-Laurel na hindi ito panahon para sa pagdadalawang-isip.
Matindi anya ang hamon ni Gatchalian na kunin nila ang mandato, o tatanggalin sa kanila ang budget para sa farm-to-market roads na umaabot sa ₱16 billion.
Ipinaalala ng kalihim na mahalaga ang mga farm-to-market roads sa mga magsasaka at sa publiko upang matiyak ang seguridad sa pagkain.
Una nang ibinunyag ni Gatchalian na sa ilalim ng 2023 hanggang 2024, umaabot sa ₱10.3 billion ang overpriced sa farm-to-market roads, na maaari nang makagawa ng two-lane highway mula Manila hanggang Aparri.
Itinuring din ito ni Tiu-Laurel bilang mga ghost at semi-ghost projects.
Nilinaw naman ng opisyal na gagawin nila ang mga farm-to-market roads katuwang ang mga lokal na pamahalaan, at kukuha rin ng third-party surveyor upang matiyak na walang magiging iregularidad.