Ginisa ni Sen. Raffy Tulfo si Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago dahil sa umano’y overpriced na pagbili ng mga body-worn camera na nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso.
Sa pagdinig ng Senado hinggil sa panukalang 2026 budget ng Department of Transportation (DOTr), ibinulgar ni Tulfo na noong 2020 ay bumili ang PPA ng 191 body-worn cameras sa halagang ₱168 milyon o katumbas ng ₱879,000 bawat unit.
Hindi pa umano rito nagtapos ang anomalya dahil noong Oktubre 2021 ay muli na namang bumili ang PPA ng 164 body-worn cameras sa halagang ₱168.8 milyon, o halos ₱1 milyon kada isa.
Ayon kay Tulfo, imoral at iskandaloso ang ganitong uri ng pagbili, lalo’t napakamahal kumpara sa body cameras ng Philippine National Police (PNP) na nagkakahalaga lamang ng ₱135,000 bawat isa, samantalang may mabibili pa online na kumpleto na sa halagang ₱6,000.
Binatikos din ng senador ang PPA sa pagpili ng supplier na Boston Home Incorporated, na aniya’y apartment lamang ang opisina, may ₱10 milyon lang na paid-up capital, at dati nang nakapagbenta ng depektibong kagamitan sa Environmental Management Bureau.
Depensa naman ni Santiago, dumaan sa tamang proseso ng procurement ang proyekto at hindi lamang mga camera ang binili kundi pati ang buong sistema at server.
Gayunman, hindi tinanggap ni Tulfo ang paliwanag at hinimok si DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez na magsagawa ng imbestigasyon, sibakin ang mga kasapi ng Technical Working Group ng PPA, at papanagutin ang mga sangkot sa umano’y overpriced na proyekto.
Binalaan din ng senador si Santiago na maaari siyang masibak sa puwesto kung mapatutunayang may pananagutan sa naturang anomalya.