Kung si Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian ang tatanungin, mas nais niyang buwagin na ang buong Department of Public Works and Highways at magtayo ng bagong kagawaran.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa nakita nilang lawak ng katiwaliang kinasasangkutan ng DPWH, malinaw na maraming corrupt officials sa ahensya, maging sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Naniniwala rin ang senador na bagama’t tiwala siya sa kakayahan ni Secretary Vince Dizon, aabutin pa ng ilang taon bago tuluyang malinis at maisaayos ang kasalukuyang ahensya.
Binigyang-diin ni Gatchalian na bukod sa flood control projects, nakita na rin ang pagkakasangkot ng DPWH sa mga anomalya sa iba pang infrastructure projects tulad ng pagtatayo ng mga paaralan, farm-to-market roads, at maging sa mga imprastraktura para sa militar at pulisya.
Gayunman, aminado si Gatchalian na ang kaisipang ito ay isang extreme situation lamang dahil sa tingin niya ay mahirap din naman itong ipatupad.
Binigyang-diin ng senador na ito ay naisip lamang niya dahil sa matinding frustration sa mga nangyayaring anomalya.