Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na patuloy na isinusulong ang mga programa para sa kapakanan ng Indigenous Peoples (IPs) at Indigenous Cultural Communities (ICCs).
Sa pagtalakay ng kanilang panukalang 2026 budget, sinabi ng DA na nagpapatuloy ang pakikipagtulungan nila sa Leave Nobody Hungry Foundation Inc. para sa implementasyon ng 4K Program o Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo para sa mga IPs at ICCs sa pamamagitan ng sustainable agriculture at fisheries development.
Sa ilalim ng programa, mayroong dedicated team na nakikipag-ugnayan sa lokal na komunidad para matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga proyekto.
Ang 4K Program na nagbibigay ng oportunidad sa mga benepisyaryo ay bahagi ng commitment ng DA sa inclusive at sustainable agriculture development.
Sinimulan ito noong Agosto 15, 2018, sa ilalim ng unang direktor na si Jay Bellarmino, na pinalitan ni Lucia Compomanes noong panahon ng pandemya, bago nahirang bilang bagong pinuno ng programa si Gilbert Baltazar noong Marso.
Inilunsad ni Baltazar ang Level of Development (LOD) at Signature Commodity in Ancestral Domain (SCAD) framework ng 4K na kasalukuyang ipinatutupad sa 14 na rehiyon ng bansa, mula Cordillera hanggang Mindanao, katuwang ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).