Isinusulong ni Sen. Erwin Tulfo ang panukalang magbigay ng isang buwang tax holiday sa mga sahod ng manggagawa bilang tugon sa mga kontrobersiya kaugnay ng bilyon-bilyong pisong ghost infrastructure projects.
Layunin ng Senate Bill 1446 o ang proposed One Month Tax Holiday of 2025 na maghatid ng direktang benepisyo sa mga mamamayan lalo na sa sektor ng mga manggagawa.
Ipinaalala ni Tulfo na ang kapakanan ng mamamayan ang pinakamataas na batas at dapat tumugon ang Estado sa pamamagitan ng konkretong ayuda sa mismong mga nagbabayad ng buwis at sa mga bumubuhay sa gobyerno.
Sa ilalim ng panukala, ang isang beses na one-month income tax holiday ay ipatutupad sa mga indibidwal na kumikita sa pamamagitan ng compensation income, at ipapatupad ito sa unang payroll month kasunod ng pag-apruba ng panukala.
Para naman sa mga mixed income earners, tanging ang mga maituturing na compensation income lang ang hindi papatawan ng buwis.
Hindi saklaw ng panukala ang mga kontribusyon sa GSIS, SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, gayundin ang mga loan amortization at iba pang bayaring kusa at boluntaryong pinahintulutan ng empleyado.