Magandang balita para sa bansa ang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 3.9% ang unemployment rate noong Agosto, kumpara sa 5.3% na naitala noong Hulyo.
Ayon kay Cavite Rep. Jolo Revilla, chairman ng House Committee on Labor and Employment, patunay ito na lumalago ang ekonomiya at bumubuti ang labor market sa ilalim ng Marcos administration.
Aniya, ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho ay senyales ng pagbangon ng ekonomiya at pagdami ng oportunidad para sa mga Pilipino.
Ang pagbaba mula 5.3% tungo sa 3.9% ay katumbas ng 1.1 milyong Pilipino na nagkaroon ng trabaho sa loob lamang ng isang buwan.
Giit ni Revilla, kailangang tiyakin na dekalidad, ligtas, at may sapat na benepisyo ang mga trabaho dahil ang hangarin ay “trabaho para sa lahat, at trabaho na may dignidad.”