Tiniyak ni Sen. JV Ejercito ang kanyang buong suporta sa pagkakaloob ng sapat at tuloy-tuloy na pondo para sa modernization program ng Armed Forces of the Philippines.
Ito’y sa gitna ng patuloy na pagbabawas ng budget at lumalalang mga banta sa panlabas na seguridad ng bansa.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng Department of National Defense at mga attached agencies, nanawagan si Ejercito sa pamahalaan na tiyaking may sapat at tuloy-tuloy na pondong nakalaan upang mapalakas ang depensa ng bansa, lalo na sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.
Tinukoy ng senador na sa kabuuang 188 revised AFP modernization projects, 59 lamang ang natapos dahil sa kakulangan sa pondo, na nagdudulot ng pagkaantala sa pagkakaroon ng credible defense capability ng bansa.
Binigyang-diin din ni Ejercito na kung nailaan lamang sa modernisasyon ang bilyong pisong nawala sa mga ghost project ng flood control sa Bulacan, mas mabilis sana ang pag-usad ng programa.
Giit pa ng senador, kung walang mga repormang institusyonal, maayos na funding mechanism, at mas pinatibay na defense-industrial strategy, mananatiling mabagal ang modernisasyon ng AFP sa gitna ng tumitinding hamon sa seguridad sa rehiyon.
Hiniling din ni Ejercito sa mga opisyal ng DND na magharap ng konkretong hakbang para matugunan ang funding gap at matiyak ang maagap at epektibong implementasyon ng mga proyekto sa ilalim ng modernization program.