Hinimok ni Sen. Loren Legarda ang Department of Migrant Workers (DMW) na bumuo ng malinaw at konkretong plano para sa reintegration programs ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) upang matiyak na maayos ang kanilang pagbabalik at muling pagsasama sa lipunan matapos magtrabaho sa ibang bansa.
Ayon sa senadora, batay sa briefer ng DMW, kabilang sa mga reintegration programs ang mga programang “Kabuhayan, Kaalaman, Kalinga, at Kaagapay,” na layuning turuan ang mga OFW ng financial management literacy, kasama na rin ang programang “Balik Pinay, Balik Hanapbuhay.”
Gayunman, iginiit ni Legarda na bagama’t nakasaad sa mga dokumento ang mga programa, hindi pa malinaw kung gaano na ito kaepektibo at ano ang aktuwal na epekto sa mga benepisyaryo.
Idinagdag pa ni Legarda na mahalagang magkaroon ng maayos na monitoring system upang masukat kung matagumpay ang mga programang ito.
Binigyang-diin ng senadora na dapat tiyakin ng DMW na ang mga reintegration programs ay may konkretong resulta at tunay na nakatutulong sa mga OFW sa kanilang pagbabalik sa bansa.