dzme1530.ph

Mas mabilis na proseso ng pagbibigay ng relief goods sa mga apektado ng lindol, iginiit

Loading

Iginiit ni Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development Chairman Erwin Tulfo ang pagpapabilis ng proseso para agarang mabigyan ng pagkain ang mga biktima ng delubyo tulad ng nangyaring lindol sa Cebu.

Sa kaniyang pagbisita sa mga lugar na naapektuhan ng 6.9 magnitude na lindol nitong nakaraang linggo, personal na nakita ni Tulfo ang mga biktimang pansamantalang naninirahan sa gilid ng kalsada na nananawagan na bigyan sila ng pagkain.

Iginiit ng mga biktimang nakausap ng senador na wala pa silang natatanggap na tulong mula sa gobyerno, kaya agad niyang isinangguni ito sa mga lokal na opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lalawigan.

Ayon sa mambabatas, hindi lang ang mga biktima ang may ganitong reklamo kundi maging ang mga opisyal din ng mga apektadong local government units (LGUs).

Ipinaliwanag ni Tulfo na magkaiba ang pagresponde sa mga biktima ng bagyo at ng lindol dahil sa bagyo, aniya, makikita ang mga apektado sa evacuation center; habang sa lindol, marami ang nagdadalawang-isip na pumunta rito dahil sa takot na baka gumuho rin ito dulot ng mga aftershock.

Pinasalamatan ni Tulfo si DSWD Sec. Rex Gatchalian sa mabilis nitong pagtugon sa panawagan ng mga mayor at mga biktima ng lindol sa Cebu matapos niyang ilapit ito sa kalihim.

About The Author