Walang dapat sisihin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa kinaharap nitong isyu sa Independent Commission for Infrastructure kundi ang kanyang sarili.
Ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon, isang malaking kaipokrituhan na magpanggap si Magalong bilang “champion of transparency, accountability at good governance” ngunit tumatanggi namang ipasilip ang sariling proyekto sa Baguio.
Tinukoy ni Ridon na hindi “marginal” kundi “highly relevant” ang pagsusuri sa ₱110-milyong Baguio City tennis court project na nakakontrata sa kumpanya ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya.
Dagdag pa nito, malaking hamon ito sa integridad at paninindigan ni Magalong sa transparency, lalo’t siya mismo ang head ng procuring entity ng lungsod.
Aminado si Magalong na subcontractor lang umano ang kausap ng city government, ngunit giit ni Ridon, sa imbestigasyon ng Kamara at Senado, ang ganitong klase ng set-up ay madalas na nafa-flag bilang pinagmumulan ng anomalya.