dzme1530.ph

Sen. Villar, nilinaw na walang interes sa mga kumpanyang lumahok sa DPWH projects

Loading

Nilinaw ni Senator Mark Villar na wala siyang direktang o hindi direktang pagmamay-ari at kontrol sa anumang kumpanyang lumahok sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong siya pa ang kalihim ng ahensya mula 2016 hanggang 2021.

Ayon kay Villar, nais niyang ituwid ang mga maling impormasyon at tiniyak na handa siyang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon, dahil wala naman siyang itinatago at naniniwala siya sa transparency, accountability at due process.

Binigyang-diin pa ng senador na wala ni isa man sa kanyang mga kaanak ang nakakuha ng kontrata mula sa DPWH sa panahon ng kanyang panunungkulan at nakatuon lamang siya noon sa pagpapatupad ng mga reporma upang maibalik ang tiwala ng publiko sa ahensya.

Ipinunto rin ni Villar na kabilang sa mga repormang ipinatupad niya noon ang digitalisasyon ng lahat ng datos ng DPWH upang maging bukas at madaling ma-access ng publiko, pagbubuo ng mga community group sa malalayong lugar upang magsilbing mata at tainga ng mga proyekto, at pagpapatupad ng 24/7 complaints hotline para marinig ang hinaing ng mamamayan.

Gumamit din aniya sila ng teknolohiya gaya ng drones para sa mas malinaw na monitoring at inimbitahan ang iba’t ibang civil society organizations upang personal na masuri ang mga proyekto.

Kasabay nito, nangako ang seandor ng buong suporta sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure at inanunsyo ni Villar na maghahain siya ng panukalang batas na magmamandato ng universal drone monitoring para sa lahat ng malalaking proyekto ng pamahalaan bilang dagdag na garantiya ng transparency.

About The Author