Kinumpirma ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo Lacson na ipatatawag sa pagdinig kaugnay ng flood control projects sina dating House Speaker Martin Romualdez at resigned Congressman Zaldy Co.
Ayon kay Lacson, mahalagang maimbitahan ang dalawa upang ipakita na walang kinikilingan o pinoprotektahan ang imbestigasyon ng komite.
Para kay Romualdez, idadaan ang imbitasyon sa kasalukuyang Speaker Faustino Dy III bilang paggalang sa interparliamentary courtesy ng Senado at Kamara.
Sa kaso naman ni Co, ipapadala ang imbitasyon sa kanyang huling kilalang address. Ngunit dahil nasa ibang bansa ito, nakahanda ang kumite na maglabas ng subpoena. Kapag hindi pa rin sumipot, susundan ito ng show cause order, at kung hindi katanggap-tanggap ang paliwanag, maaari itong i-cite in contempt at isyuhan ng arrest order.
Nilinaw ni Lacson na wala pang tiyak na petsa para sa susunod na pagdinig dahil hinihintay pa ang ilang developments sa kaso. Gayunman, tiniyak nitong magpapatuloy ang imbestigasyon upang maiwasan ang hinalang may tinatago ang komite.