Umalma si Sen. Loren Legarda sa tila paninisi sa Senado kaugnay ng tinatawag na insertions sa pambansang pondo.
Giit ni Legarda, hindi patas na isisi sa Senado ang mga amyenda sa budget dahil mismong mga ahensya ng gobyerno ang madalas humihiling ng dagdag na pondo at realignment.
Sa pagdinig ng panukalang 2026 budget ng Department of Transportation (DOTr), binigyang-diin ng senadora na “unfairly brutalized” o hindi makatarungang nilibak ang Senado sa usapin ng insertions.
Dagdag pa nito, tungkulin ng Senado sa ilalim ng Konstitusyon na talakayin at pagbigyan ang mga hiling ng ahensya kung nararapat, ngunit madalas ay binabansagang insertions ng publiko na hindi lubos na nakauunawa sa proseso.
Bago ito, umapela si Acting DOTr Secretary Giovanni Lopez para sa realignment ng bahagi ng kanilang budget upang mapondohan ang mga locally funded projects, dahil karamihan ng pondo ng kagawaran ay nakalaan sa railway projects.
Samantala, binigyang-diin ni Senador JV Ejercito na tila nagkaroon na ng “allergy” ang publiko at ilang sektor sa salitang insertion.
Iginiit nitong ang budget amendments ay hindi anomalya kundi lehitimong tungkulin ng mga senador upang matiyak na napopondohan ang mahahalagang proyekto para sa bayan.