Maghahain ng unang kaso sa Ombudsman ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) laban sa mga sangkot sa umano’y iregularidad sa ilang flood control projects ng pamahalaan.
Kinumpirma ni ICI Executive Director Brian Keith Hosaka, na kasalukuyang kinokolekta at inaayos ng komisyon ang lahat ng kinakailangang dokumento at ebidensya bago isumite ang referral sa Office of the Ombudsman.
Itinuturing na isang mahalagang milestone para sa ICI ang paghahain ng unang kaso mula nang simulan ang kanilang imbestigasyon. Layunin nito na papanagutin ang mga responsable at ipakita sa publiko na umuusad ang mandato ng komisyon laban sa katiwalian.
Ani Hosaka, kailangang masinop ang komisyon upang masigurong suportado ng tamang ebidensya ang ihahaing kaso, upang hindi ito madaling maibasura.
Ang ICI ay binuo upang magsagawa ng malalim na imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects na ipinatupad sa nakalipas na dekada.