Dahil sa malawakang pinsala ng Bagyong Nando, isinailalim na sa state of calamity ang buong probinsya ng Cagayan.
Ito ay matapos aprubahan ang Resolution No. 1, Series of 2025 at irekomenda ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Ayon sa taya ng Cagayan PDRRMO, pito ang iniwang patay ng bagyo sa lalawigan, habang dalawa pa ang nawawala.
Batay sa datos ng PDRRMC, umabot na sa mahigit ₱655 milyon ang inisyal na halaga ng pinsala sa sektor ng imprastraktura at agrikultura.
Ang pagdedeklara ng state of calamity ay nagbibigay ng otorisasyon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na gamitin ang kanilang Quick Response Fund at Local DRRM Fund upang maipaabot agad ang tulong sa mga naapektuhan, partikular sa mga residente ng Isla ng Calayan, na kabilang sa pinaka-malubhang tinamaan ng bagyo.