dzme1530.ph

Rep. Co tiniyak na magbabalik-bansa para harapin ang alegasyon

Loading

Siniguro ni Ako Bicol Party-List Rep. Elizalde Co ang kanyang pagbabalik sa bansa upang sagutin at patunayan na mali ang lahat ng ibinibintang sa kanya.

Sa isang media statement ng kanyang tanggapan, sinabi ni Co na wala siyang itinatago at handa niyang harapin ang lahat ng kritiko sa tamang forum.

Kinumpirma rin nito na sumulat siya kay House Speaker Faustino Bojie Dy III, may petsang Sept. 25, 2025. Sa sulat, ikinalungkot ni Co ang pag-revoke ni Dy sa kanyang travel clearance para sumailalim sa medical treatment.

Ayon kay Co, nalulungkot ito dahil mismong kasamahan niya sa Kamara ang nagkakait sa kanya ng oras para sa medikal na pangangalaga na matagal nang naka-schedule. Naniniwala aniya ito na ang pagbawi sa travel clearance ay bunga ng matinding pressure, sa halip na alinsunod sa facts at procedure.

Si Co ay inaakusahan na nagsingit ng probisyon sa Bicameral Report at sa 2025 General Appropriations Act, at umano’y tumanggap ng malaking kickback sa flood control projects. Iginiit nito na wala itong katotohanan, dahil parehong inaprubahan ang Bicam Report at 2025 GAA sa plenaryo ng dalawang Kapulungan.

Inamin din ni Co na natatakot siya sa maaaring mangyari sa kanyang pag-uwi sa bansa, lalo na sa harap ng public opinion na humuhusga sa kanya.

Rep. Co mariing pinabulaanan ang iba pang alegasyon laban sa kanya

 

Mariin ding pinabulaanan ni Cong. Zaldy Co ang iba pang inaakusa sa kanya. Ani nito, hindi nagmamay-ari ang kanyang pamilya ng air assets o jet na diumano’y ginamit sa pagbiyahe ni former President Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.

Hindi rin umano totoo na nambraso siya sa Department of Agriculture para bigyan ng alokasyon ang “ZC Victory Fishing Corporation,” o na tumanggap ng pera mula sa DPWH.

Iginiit ni Co na ang lahat ng ito ay “false, baseless, at politically charged.”

Dagdag pa ng mambabatas, ang lahat ng bintang sa Senado, Kamara, at court of public opinion ay nagbunga ng public hatred sa kanya at sa kanyang pamilya. Aniya, na pre-judge na siya kahit wala pang kaukulang kaso na isinasampa laban sa kanya.

Bagaman binawi na ni Speaker Faustino Bojie Dy III ang kanyang travel clearance, nanawagan si Co ng fairness at due process, at umaasa na sa kanyang pagbabalik sa bansa ay mabibigyan siya ng tamang proseso at katarungan kasama ang kanyang pamilya.

About The Author