Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatakda ng floor price para sa pagbili ng palay upang maprotektahan ang mga magsasaka laban sa mga tiwaling trader tuwing harvest season, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
Sa pulong kasama ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) sa Malacañang, inatasan ng Pangulo ang ahensya na makipag-ugnayan sa Office of the Executive Secretary at sa opisina ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan para sa pagbabalangkas ng isang executive order na magtatakda ng palay buying floor price.
Ayon sa PCO, ipinag-utos din ni Marcos ang full implementation ng Republic Act 11321 o Sagip Saka Act of 2019 upang suportahan ang mga magsasaka at ang Benteng Bigas Program.
Kasabay nito, ipinag-utos ng Pangulo ang pag-review sa charter ng National Food Authority (NFA) at nagpanukala ng mga kailangang amendments sa Republic Act 12078 o Amended Agricultural Tariffication Law of 2024 upang mapalawak pa ang farmer support services.