Sapat pa rin ang pondo ng Department of Social Welfare and Development para sa disaster response kahit ilang buwan na lamang ang nalalabi sa taong 2025.
Ito ang tiniyak ni DSWD Se. Rex Gatchalian, sa pagsasabing nagmumula ang kanilang disaster response fund sa quick response fund ng pamahalaan.
Ayon kay Gatchalian, nasa ₱1.3 billion ang kanilang seed money o paunang budget, at oras na mangalahati ito ay maaari silang mag-reimburse sa NDRRMC. Sa ngayon, nakapang-lima o pang-anim na aniya sila ng reimbursement.
Tiniyak ng kalihim na may sapat na pondo ang DSWD at handa silang rumesponde sa mga pangangailangan.
Katunayan, para sa Bagyong Nando ay nakapaglabas na sila ng halos 12,000 family food packs para sa mga apektado at tuloy-tuloy ang pagresponde.
Nakahanda na rin ang ahensya na tumugon para sa Bagyong Opong.