Tulad ng ginawa sa committee level sa Kamara, plano rin ng ilang senador na irealign ang pondong nakalaan sa flood control projects para sa susunod na taon patungo sa mga programa ng Department of Social Welfare and Development.
Sa pagtalakay sa panukalang 2026 budget ng DSWD, iminungkahi ni Sen. Erwin Tulfo na pag-aralan kung hindi man buo ay kahit bahagi ng pondo para sa flood control ay mailipat sa social welfare.
Ito ay matapos kumpirmahin ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na natapyasan ang inilalaan na pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa susunod na taon.
Ikinalugod naman ni Gatchalian ang rekomendasyon, at iginiit na malaking tulong ito sa serbisyo ng kanilang ahensya.
Posibleng ilagay ng DSWD ang pondong ito sa AICS, sa pagtatayo ng mga Bahay Pag-asa para sa children in conflict with the law, at sa pagsasaayos ng mga care facilities.