Naging emosyonal si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa pagkwestyon sa isinagawang welfare check kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng mga tauhan umano ng Philippine Embassy sa kanyang detention cell sa The Hague.
Iginiit ng senador na kung hindi nasunod ang legal na proseso sa pagkakadakip kay Duterte, paano maaasahang makabubuti ang isang “lawful welfare check” sa dating pangulo.
Idinagdag pa ng mambabatas na tiyak na hindi komportable si Duterte na makaharap ang mga opisyal na kabilang sa administrasyong nagpadakip sa kanya.
Umabot pa sa puntong tinanong ni Dela Rosa kung ang pagbisita ba ay tunay na welfare check o isang operasyon para mapaikli ang buhay ng dating pangulo.
Kasabay nito, nanawagan ang senador na talakayin na sa Senado ang inihaing resolusyon na humihiling sa pamahalaan na igiit sa ICC ang pansamantalang pagpapalaya kay Duterte sa anyo ng house arrest sa The Hague.
Suportado ito ni Senador Bong Go na humiling ng dasal para sa kaligtasan at kalusugan ng dating pangulo, kasabay ng pagkabahala sa umano’y kakulangan ng transparency sa ginawang welfare check.