Kinumpirma ni Engineer Brice Hernandez na walang matino sa mga proyektong kanilang ginawa sa lalawigan ng Bulacan.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa mga anomalya sa flood control projects, sinabi ni Hernandez na substandard o ang pinakamalala ay ghost ang kanilang mga proyekto dahil mayroon silang mga obligasyong kailangang bayaran.
Kadalasan aniya 25% hanggang 30% lamang ng pondo ang ginagamit sa mga proyekto kaya’t hindi tumutugma sa standards ang mga proyekto.
Iginiit din ni Hernandez na maging ang mga proyekto nila para sa street lights at mga cats’ eye ay overpriced.
Sa pagtatanong naman ni Sen. Bam Aquino, kinumpirma ni Hernandez na kung maayos ang implementasyon ng proyekto ay kailangang 70% ng pondo ang gugulin mismo sa konstruksyon.
Kaya sa konklusyon ni Aquino, malinaw na overpriced ang mga proyekto ng DPWH upang makapagbigay ng komisyon sa mga proponent.
Pinuna rin ni Aquino ang sistemang ipinatutupad ngayon sa DPWH sa gitna ng pahayag ni dating Sec. Manuel Bonoan na binigyan nila ng buong authority ang kanilang District Engineer sa kanilang proyekto kasama na ang check and balances.
Kasama na aniya rito ang quality assurance unit, audit at inspector.
Dito sinabi ni Aquino na may problema sa sistema dahil tila wala nang pakialam ang central office sa proyekto ng mga district engineers.