dzme1530.ph

3 senador, 2 kongresista at isang opisyal ng Commission on Audit, pinangalanan sa flood control anomaly

Loading

Pinangalanan ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara ang tatlong senador, dalawang kongresista at isang opisyal ng Commission on Audit na umano’y nakinabang bilang “proponents” sa flood control projects na ibinaba sa kanyang nasasakupan.

Kabilang sa mga ito sina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Cong. Elizaldy Co, dating Cong. Mitch Cajayon-Uy at COA Commissioner Mario Lipana.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inamin ni Alcantara na nagbibigay sila ng nasa 10 hanggang 30 porsiyentong komisyon sa mga proponents ng mga proyekto. Humingi rin siya ng paumanhin sa kanyang pananahimik sa mga naunang pagdinig bago magpasya na makipagtulungan.

Tinukoy ni Alcantara si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na nag-promote sa kanya bilang district engineer at siyang kausap niya sa mga proyekto na may 25% na obligasyon para sa proponent.

Ibinunyag din ni Alcantara na noong 2024 ay naibigay umano nila kay Revilla ang 30% ng P300 milyong proyektong ibinaba sa Bulacan, na idinaan kay Bernardo. Noong 2023 naman, personal umano niyang inihatid ang P150 milyong obligasyon sa resthouse ni Villanueva sa Bocaue para sa P600 milyong halaga ng proyekto, na ibinigay niya sa isang Peng at ibinilin na para sa “future plans” ng senador.

Nilinaw naman nito na hindi alam ni Villanueva na flood control ang proyekto dahil ang hiling nito ay multipurpose hall.

Sa kaso ni Estrada, idinaan din umano kay Bernardo ang 25% na komisyon mula sa P355 milyong halaga ng proyekto, karamihan ay pumping stations with floodgates.

Isinalaysay pa ni Alcantara na personal niyang nakilala sina Co at Cajayon-Uy at sila mismo ang nakatransaksyon. Ayon sa kanya, kabuuang P35.24 bilyong proyekto ang naibaba ni Co mula 2022 hanggang 2025 na may katumbas na 20 hanggang 25% komisyon.

Dagdag pa nito, ang mga litrato ng bulto ng pera na inilabas sa imbestigasyon ay bahagi ng obligasyon na ihahatid umano sa kampo ni Co, na dinadala sa Shangri-La sa Taguig o sa bahay ng kongresista sa Valle Verde, Pasig. Bukod sa Bulacan, nagbaba rin daw ng proyekto si Co sa Tarlac at Pampanga.

Para naman kay Cajayon-Uy, sinabi ni Alcantara na P411 milyong proyekto ang naibaba na may 10% komisyon. Sa kaso ni Lipana, nilinaw niyang wala siyang personal na kaalaman kung paano naisakatuparan ang P500 milyong halaga ng proyekto na naisulong nito noong 2023.

About The Author