Naghahanda na ang mga ahensya ng pamahalaan para sa posibleng krisis sa tubig na dulot ng El Niño phenomenon o below-normal rainfall na maaring magresulta ng dry spells at drought o tagtuyot.
Sinabi ni Sevillo David Jr., Executive Director ng National Water Resources Board, na nakikipag-ugnayan na ang kanilang ahensya sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System, National Irrigation Administration at iba pang mga ahensya para sa contingency plans upang hindi na maulit ang water crisis noong 2019.
Naniniwala rin si David na mas handa na sila ngayon, lalo’t nadagdagan na ang mga pasilidad sa Laguna lake kumpara noong 2019.
Binigyang diin ng opisyal na kailangan lamang din aniya na maging matalino ang publiko sa paggamit ng tubig at ayusin ang mga tagas sa mga tubo.
Sa pagtaya ng PAGASA, posibleng magsimula ang El Niño sa ikatlong quarter ng 2023 o sa pagitan ng Hulyo at Setyembre, at tatagal ito hanggang sa susunod na taon. —sa panulat ni Lea Soriano