Humiling si Bangsamoro Transition Authority (BTA) Member Abdullah Macapaar at ilang indibidwal sa Supreme Court na atasan ang Commission on Elections (COMELEC) na ipagpatuloy ang paghahanda para sa Bangsamoro elections.
Inihain ng mga petitioner ang very urgent motion, with leave upang linawin ang inilabas na Temporary Restraining Order (TRO) at igiit ang pagpapatupad ng status quo at mandatory injunction.
Ayon kay Ranao Charitables Initiatives Chairman Maulana Mamutuk, makatutulong ang kanilang petisyon upang magampanan ng COMELEC ang mandato nito na ituloy ang eleksyon.
Matatandaang naglabas ng TRO ang Korte Suprema laban sa COMELEC, BTA, at iba pang personalidad kaugnay sa pagpapatupad ng Bangsamoro Autonomy Act (BAA) No. 77, habang nakabinbin pa ang final resolution ng kaso.
Ang BAA No. 77 o Bangsamoro Parliamentary Act of 2025 ay nag-amyenda sa BAA No. 55 at nireallocate ang pitong parliamentary districts na unang itinalaga sa Sulu.
Dahil dito, sinuspinde ng COMELEC ang preparasyon para sa nakatakdang halalan sa BARMM sa October 13.