Hindi pa rin maituturing na lusot sa isyu ng budget insertions sa flood control projects sina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva.
Ito ang pahayag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” Lacson matapos payagang komprontahin ng dalawang senador si Engineer Brice Hernandez, na nagdawit sa kanila sa kontrobersiya.
Ayon kay Lacson, maaaring “selective” ang memorya ng nagdawit sa kanila, ngunit hindi pa rin ito nangangahulugang abswelto na ang mga senador.
Sa pagdinig kahapon, ipinunto ni Lacson na may nakita silang ₱600 milyong flood control projects sa Bulacan na nakapaloob sa Unprogrammed Funds ng 2023 General Appropriations Act, na iniuugnay ni Hernandez kay Villanueva.
Aniya, ang dokumento ay nagmula kay Sen. Sherwin Gatchalian at kasama sa mga ipinakitang slide.
Dagdag pa rito, itinuro rin ni Lacson na may ₱355 milyong infrastructure projects sa Bulacan na iniuugnay naman kay Estrada na nakapaloob sa 2025 GAA.