dzme1530.ph

Task force sa balikbayan box, suportado ni Rep. Bryan Revilla

Loading

Buo ang suporta ni AGIMAT Party-List Rep. Bryan Revilla sa hakbang ng Bureau of Customs na bumuo ng task force na tututok sa mga problema sa balikbayan box.

Ayon kay Revilla, chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs, mahalaga ito lalo na’t inaasahan ang pagdagsa ng shipments o padala ngayong papalapit ang Pasko.

Mahalaga aniya ang task force para hindi maantala ang pagdating ng mga balikbayan box, maiwasan ang hindi makatarungang singil, at masiguro na makakarating sa mga pamilya ang bawat pasalubong na hindi lang padala kundi simbolo ng pagmamahal at sakripisyo ng mga Pilipino sa abroad.

Pinatitiyak din ng kongresista na mapaparusahan at tuluyang ma-blacklist ang mga scammer at mapagsamantalang forwarders.

Hindi na rin aniya dapat maulit ang mga insidente ng nabubulok na padala dahil na-expire na sa mga bodega.

Dagdag pa ni Revilla, ang pagsuporta sa mga OFW ay hindi lamang sa pamamagitan ng reporma sa customs kundi ang pag-alis ng lahat ng balakid upang maibigay ang tunay na tulong para sa kanila.

About The Author