dzme1530.ph

Curlee Discaya at Sally Santos, posibleng isailalim sa WPP

Loading

Tumagal ng halos walong oras ang ikaapat na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga umano’y anomalya sa flood control projects.

Bago matapos ang pagdinig, inirekomenda ni Sen. JV Ejercito kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III na isailalim sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice si Sally Santos ng SYMS Trading.

Si Santos ang nagturo kina Engineer Brice Hernandez at Engineer Jaypee Mendoza na gumamit umano ng kanyang lisensya para sa mga in-house projects ng DPWH, na kalaunan ay natuklasang mga ghost project.

Sa pagtatanong ni Ejercito, isinalaysay ni Santos na ilang beses siyang tinawagan nina Hernandez at Mendoza nitong Setyembre upang pagbawalan siyang magsalita. Ayon pa sa kanya, inutusan ito ng dalawa na sabihing sila ang kumukuha ng pera at ipinapasa kay Engineer Henry Alcantara, bago umano dumaan kay Undersecretary Roberto Bernardo at kay Rep. Zaldy Co.

Itinanggi naman ni Mendoza na nakausap niya si Santos, ngunit iprinisinta ni Ejercito ang call logs mula sa telepono ni Santos na nagpapakitang may record ng tawag mula kina Hernandez at Mendoza noong Setyembre 2.

Bukod kay Santos, sinabi ni Sotto na nakipagkasundo siya sa DOJ na pag-aralan ding isailalim sa WPP si Pacifico Curlee Discaya.

Samantala, hindi pinagbigyan ng komite ang hiling ni Hernandez na alisin na ang contempt order laban sa kanya. Ayon kay Sotto, hihintayin muna ang testimonya nito sa imbestigasyon ng Independent Commission on Infrastructure bago desisyunan ang kanyang kaso.

Matapos ang pagdinig, dinala sa detention cell ng Senado ang mga na-cite in contempt na sina Alcantara, Hernandez, Mendoza, at Discaya, habang si Santos naman ay dinala muna sa Senate Clinic matapos makaramdam ng pagkahilo.

Ayon sa kampo ni Santos, bagama’t aprubado na ang kanyang physical protection, mas nais niyang umuwi at posibleng pagkalooban na lamang siya ng security detail.

About The Author