Binalaan ni Sen. Panfilo Lacson si dating DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez na hindi na makakalabas ng Senado kung patuloy itong magsisinungaling sa pagdinig kaugnay ng mga umano’y anomalya sa flood control projects.
Ito’y matapos ang pagtatanong ni Lacson hinggil sa paggamit umano ni Hernandez ng pekeng LTO driver’s license para makapasok sa casino.
Mariing itinanggi ito ni Hernandez, ngunit ipinakita ni Lacson ang photocopy ng lisensya na isinama mismo ni Hernandez sa kanyang petition to lift contempt.
Pinuna rin ni Lacson ang pagsisinungaling ni Hernandez hinggil sa ₱457 milyon na umano’y ibinigay sa kanya ni Sally Santos ng SYMS Trading.
Giit ni Lacson, hindi kapani-paniwala na hindi matandaan ni Hernandez ang naturang halaga, gayong noong Marso lamang ito nangyari.
Dagdag pa ng senador, isasailalim sa pagsusuri ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang lahat ng bank records at casino transactions ni Hernandez at ng iba pang DPWH engineers.