dzme1530.ph

Ghost at substandard projects, nakalusot dahil sa pagkukulang ng Procurement Board

Loading

Inakusahan ni DPWH Sec. Vince Dizon ang Government Procurement Policy Board na hindi ginagawa nang maayos ang kanilang trabaho sa pag-e-evaluate sa mga proyekto ng mga contractor ng gobyerno.

Ito ay dahil nakalulusot ang iba’t ibang contractors ng gobyerno kahit sangkot ang ilan sa substandard projects o, mas malala, sa ghost projects.

Sinabi ni Dizon na nakakagulat na hindi namo-monitor ang mga “bad performance” o ang “no performance at all” ng ilang mga contractor, kaya’t himalang nairereport na completed ang proyekto at agad nababayaran.

Kinumpirma rin ng kalihim na simula nang nagsagawa sila ng imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects, umabot na sa mahigit 100 reports ang kanilang nakuha kaugnay ng mga ghost at substandard projects.

Ilan aniya sa mga proyektong ito ay matatagpuan sa Bulacan, La Union, Oriental Mindoro, Nueva Vizcaya, Eastern Samar at ilan pa sa Mindanao.

Sa pagtatanong naman ni Senador Bam Aquino, inamin ni Dizon na posibleng umabot sa trilyong piso ang halagang pinag-uusapan sa mga sinasabing anomalya sa flood control projects.

Sinabi ni Dizon na ito ay dedepende sa magiging saklaw ng imbestigasyon sa mga proyekto, bagama’t batay aniya sa Executive Order ng Pangulo, babalikan ng Independent Commission for Infrastructure ang mga proyekto sa nakalipas na 10-taon.

Samantala, inaprubahan ng komite ang hiling na physical custody o protection ni Sally Santos ng SYMS Trading, kapalit ng kaniyang paghahayag ng lahat ng nalalaman kaugnay ng mga umano’y anomalya sa mga flood control projects sa Bulacan.

Sa kabilang dako, inaprubahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang hiling na legislative immunity ni dating DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez, sa kondisyong wala itong itatago sa kanyang nalalaman sa mga umano’y anomalya sa mga flood control projects.

About The Author