dzme1530.ph

Pondo ng DPWH sa 2026, binawasan ng ₱255B

Loading

Inihain na ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon kay House Speaker Martin Romualdez ang rekomendasyong alisin ang budget allocation para sa mga local flood control projects, kasabay ng pagsusumite ng binagong 2026 National Expenditure Program ng ahensya.

Sa bagong budget plan, bumaba ng 28.99% ang pondo ng DPWH para sa susunod na taon, mula ₱881.312 bilyon ay magiging ₱624.784 bilyon na lamang, katumbas ng bawas na ₱255.784 bilyon. Buong inalis ang ₱252 bilyon na nakalaan sana para sa flood control projects.

Ayon kay Dizon, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na alisin ang pondo para sa mga local flood control projects at ilipat ang inisyal na natipid na ₱255 bilyon sa mga programang may kinalaman sa agrikultura, edukasyon, at kalusugan.

Matatandaang iniutos ng Pangulo ang pagtutok sa imbestigasyon ng mga kuwestiyonableng flood control projects, kabilang ang umano’y ghost projects na natukoy ng ilang ahensya at Kongreso.