Sisilipin ng Department of Justice ang labinlimang taong record ng mag-asawang Curlee at Sara Discaya bilang government contractors, sakaling mag-apply sila para maging state witness.
Sa pagharap sa House appropriations committee para sa proposed ₱40-bilyong budget ng DOJ para sa 2026, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mayroong prosesong sinusunod bago payagang maging state witness ang mag-asawang Discaya.
Ito ay kaugnay ng pagsasampa ng mga kaso laban sa mga tiwaling contractor ng flood control projects at sa kanilang mga kasabwat.
Binigyang-diin ni Remulla na kailangang masilip ang kasaysayan ng pagiging kontratista ng mga Discaya, kung sino ang mga naka-kontrata nila, mga pinadaanan nilang patakaran, pati na ang kanilang mga obligasyon, dahil ito aniya ang bumabagabag na problema sa bansa ngayon.