Sumabog sa galit si Sen. Erwin Tulfo matapos niyang ilantad ang umano’y lantaran at sistematikong katiwalian sa ilalim ng Contractors’ License Law o Republic Act 4566.
Ayon kay Tulfo, ang batas na dapat sana’y nagbabantay sa industriya ng konstruksiyon ay nagiging kasangkapan para sa abuso, kasakiman, at korapsyon. Itinuro niya ang Philippine Contractors Accreditation Board o PCAB, na binubuo mismo ng mga kontratista.
Tanong ng senador kung paano magiging patas ang isang board o ahensya kung ang mga miyembro at opisyal nito ay sumasali at nananalo sa bilyon-bilyong kontrata ng pamahalaan, lalo na sa mga flood control projects na nalulubog ngayon sa kontrobersiya at anomalya.
Pinangalanan ni Tulfo si Engr. Erni Baggao, board member ng PCAB at umano’y may-ari ng EGB Construction Corporation, na nakakuha ng mahigit ₱7.7 bilyon na flood control projects mula 2022 hanggang 2025. Lumalabas din umano na konektado ang kumpanya sa Wawao Builders.
Igiit ni Tulfo na ilan sa mga proyektong ito ay overpriced, substandard, at maging ghost projects.
Kasama rin sa binanggit ng senador si Engr. Arthur Escalante, isa pang opisyal ng PCAB na nasangkot din sa malalaking kontrata, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson.
Samantala, iginiit ni Sen. Raffy Tulfo na nasa sentro ng imbestigasyon ngayon ang PCAB dahil maging mga fly-by-night contractors ay nabibigyan ng lisensya.
Ayon naman kay Sen.Rodante Marcoleta, ang 15 kumpanya na tinukoy ni Pangulong Marcos Jr. na nakakuha ng malalaking flood control projects ay hindi man lang miyembro ng PCAB.