Iginigiit ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ang agarang pagtugon ng pamahalaan laban sa mga mapagsamantalang online lending applications na naniningil ng sobra-sobrang interes at gumagamit ng mapanirang pamamaraan laban sa mga hindi nakakabayad.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, binigyang-diin ni Zubiri na milyon-milyong Pilipino, kabilang ang mga minimum wage earners, ang nalalagay sa panganib bunsod ng kawalan ng batas na nagtatakda ng limitasyon sa interest rates ng mga digital lender.
Nakababahala aniya ang kawalan ng cap dahil umaabot hanggang 20% kada linggo ang singil ng ilang online lenders na inihalintulad pa niya sa mafia at yakuza.
Kinumpirma ng Securities and Exchange Commission na totoo ang mga sobrang singil, dahil suspendido na ang Usury Law at wala pang kapalit na regulasyon upang pigilan ito.
Tinuligsa rin ni Zubiri ang kakulangan ng proteksyon para sa mga nangungutang na madalas hindi nakakaunawa sa “fine print” ng kontrata at lalo pang ipinapahiya sa publiko kapag hindi nakakabayad.
Binanggit din niya ang 2024 Supreme Court ruling na nagsasabing labis na ang 3% monthly interest, kaya’t lalong kailangang bantayan ang operasyon ng mga online lending apps.
Bilang solusyon, iminungkahi ni Zubiri na ilipat sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang pangangasiwa sa mga digital lender dahil mas istrikto at mas mabilis umano itong kumilos kumpara sa SEC.