![]()
Diretsahang kinuwestyon ni Sen. Risa Hontiveros ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) kung bakit hindi pa tuluyang ipinagbabawal ang paggamit ng e-wallets sa online gambling, gaya ng pagbabawal sa credit cards.
Sa pagdinig ng Senado, kinumpirma ng PAGCOR na may kapangyarihan itong magpatupad ng ban ngunit hindi pa ito ginagawa dahil e-wallets ang tanging available na platform para sa cash-in at cash-out ng mga manlalaro.
Paliwanag ni Atty. Jessa Fernandez ng PAGCOR, regulated ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga e-wallet platforms at may sapat na safeguards. Mas ligtas umano itong gamitin kaysa sa mga hindi awtorisadong sistema.
Sinita rin ni Hontiveros ang patuloy na pagbaba ng fees na binabayaran ng online gambling companies sa PAGCOR, mula 50% ng gross gaming revenues, bumaba ito sa 35%, at ngayo’y nasa 30% na lang.
Depensa ng PAGCOR, layunin ng pagbaba ng rates na mahikayat ang mga illegal operators na kumuha ng lisensya. Ayon kay Fernandez, mula 5% lamang ng market share noong 2021, umakyat na sa 40% ang licensed operators ngayong 2025.
Gayunman, ikinaalarma ng senadora ang ulat na maaaring umabot ng hanggang ₱500,000 ang maitaya ng isang manlalaro gamit ang e-wallets. Sagot naman ng mga e-wallet companies, pabor sila sa mga hakbang laban sa “abusive use” ng kanilang platforms.
