dzme1530.ph

Mga pulis na sinibak dahil sa ilegal na pag-aresto sa dalawang lalaki sa Maynila, umabot na sa 10

Loading

Umabot na sa sampu ang mga pulis-Maynila na sinibak sa puwesto matapos ireklamo ng dalawang delivery rider ang umano’y ilegal na pag-aresto at pangingikil sa kanila.

Ayon sa Manila Police District, kabilang dito ang pitong tauhan ng District Drug Enforcement Unit na una nang tinanggal sa serbisyo, at tatlong karagdagang pulis na naka-duty nang mangyari ang insidente.

Ginawa ito upang bigyang-daan ang patuloy na imbestigasyon.

Batay sa reklamo ng isang rider sa National Police Commission o NAPOLCOM, sila ay dinampot ng mga pulis habang bumibili lamang ng milk tea sa Sampaloc. Kinuha umano ng mga pulis ang kanilang cellphones, motorsiklo, alahas, at maging ang ₱9,000 sa GCash account ng biktima.

Isa sa kanila ay nakatakas matapos ang ilang oras, habang ang kasama naman ay idinetine sa MPD facility.

Dahil dito, sinampahan ng reklamong grave misconduct, grave irregularity in the performance of duty, at conduct unbecoming of a police officer ang mga pulis.

Sa panig ng pamunuan, iginiit ni MPD acting director Police Brigadier General Arnold Abad na hindi nila kukunsintihin ang maling gawain ng kanilang mga tauhan at tiniyak ang masusing imbestigasyon.

About The Author