Nanindigan si Sen. Jinggoy Estrada na hindi umabuso ang Senado sa pag-cite in contempt at pagpapakulong kay dating DPWH engineer Brice Hernandez.
Ito ay kasunod ng utos ng Pasay City Regional Trial Court na magkomento ang Senado sa writ of amparo na inihain ni Hernandez.
Ipinaliwanag ni Estrada na naaayon sa constitutional mandate at jurisdiction ng Senado ang pagpapataw ng kaukulang parusa sa mga nagsisinungaling na resource person sa mga pagdinig.
Mahalaga aniya na igiit ng mataas na kapulungan ang kapangyarihan nito upang mapanatili ang integridad ng mga imbestigasyon at mapangalagaan ang interes ng publiko.
Idinagdag pa ng senador na hindi ito ang unang pagkakataon na nagpakulong ang Senado ng mga na-cite in contempt ng Blue Ribbon Committee, gaya sa kaso ni Jean Arnault noong 1950s, at kamakailan kina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at Linconn Ong sa imbestigasyon sa Pharmally.
Kaya naman naniniwala si Estrada na walang naging pagmamalabis ang Senado sa paggamit ng naturang kapangyarihan.