dzme1530.ph

Imbestigasyon ng Senado sa Flood Control Projects, tuloy kahit buo na ang Independent Commission

Loading

Nanindigan sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senate Blue Ribbon Committee chairman Panfilo Lacson na magpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga flood control projects kahit na buo na ang Independent Commission.

Ayon kay Sotto, maaaring itigil ng Kamara ang kanilang pagsisiyasat, ngunit ang Senado ay magpapatuloy dahil ito ay ginagawa in aid of legislation.

Sinabi naman ni Lacson na magkahiwalay ang imbestigasyon ng Senado at ng Independent Commission, at hindi ito magiging kompetisyon, bagkus ay magko-complement sa isa’t isa.

Inanunsyo rin ni Lacson ang mga ipatatawag sa susunod na pagdinig ng komite sa Huwebes, Setyembre 18.

Kasama rito si Mina Jose, umano’y kinatawan ng WJ Construction, na nakuhanan ng Senate security cameras na pumasok sa gusali ng Senado noong Agosto 19 at bumisita sa isang opisina sa ikatlong palapag. Naugnay ang kompanya matapos umanong magsagawa ng “delivery of obligation” o lagay matapos makakuha ng proyekto mula kay dating Bulacan First District Engineering Office head Henry Alcantara.

Ipatatawag din si Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral upang ipaliwanag ang kanyang Viber message na nag-aanyaya sa staff ni Senate President Sotto na magmungkahi ng maagang insertions para sa 2026 budget.

Kasama rin sa ipatatawag ang tinaguriang “BGC Boys” ng DPWH, na sinasabing nagsusugal ng daan-daang milyong piso mula sa pondo ng bayan sa mga casino.

Bukod dito, ipapatawag din ang mag-asawang Cezarah at Pacifico Discaya III, habang inimbitahan ang mga kinatawan ng Department of Budget and Management (DBM) upang magbigay-linaw sa ₱355 milyong insertion para sa mga proyektong nakalaan sa Bulacan.

About The Author