Kinumpirma ng Office of the Vice President (ovp) na tinanggal nila ang alokasyon para sa paglilimbag at distribusyon ng librong “Isang Kaibigan” ni Vice President Sara Duterte, na umani ng kontrobersiya noong nakaraang taon, makaraang humirit ang bise presidente ng sampung milyong pisong pondo para sa naturang aklat.
Sinabi ni OVP Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio, na sa ilalim ng proposed 2026 budget ng OVP, hindi na kasali ang libro ng 100-million peso “Pagbabago Campaign,” at sa halip ay mamamahagi sila ng mga bag at school supplies sa may dalawandaang libong mag-aaral sa buong bansa.
Inihayag ni Ortonio na ikinonsidera nila ang mga komento at rekomendasyon ng Kongreso sa isinagawang budget deliberations ng OVP noong nakaraang taon.
Matatandaan na nagpalitan ng maiinit na salita sina VP Sara at Sen. Risa Hontiveros, pati na ilang miyembro ng Kamara, kung bakit kailangang gumastos ng ₱10-M para sa pambatang libro na inakda ng bise presidente.