dzme1530.ph

CCTV footage ng pagbisita sa Senado ng umano’y nagdadala ng obligasyon sa staff ng isang senador, hawak na ng Blue Ribbon Committee

Loading

Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na hawak na ng Senate Blue Ribbon Committee ang kopya ng CCTV footage na nagpapakitang dumalaw sa Senado ang isang staff ng WJ Construction Company noong Agosto 19, 2025.

Kaugnay ito ng alegasyon ni Engineer Brice Hernandez na nagdala umano ng “obligasyon” ang WJ para sa isang staff ng senador.

Tinukoy ni Lacson na isang Mina mula sa WJ ang nakunan sa CCTV, na ayon kay Hernandez ay siya ring nakikipag-ugnayan kay Beng Ramos para sa umano’y pagbibigay ng kickbacks, na sinasabing staff ni Sen. Jinggoy Estrada.

Ayon kay Lacson, tukoy na nila ang mismong tanggapan na pinuntahan ng staff ng WJ, ngunit hindi pa ito isinasapubliko habang nagpapatuloy ang beripikasyon.

Dagdag nito, sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Huwebes, Setyembre 18, ipatatawag si Mina at maging ang may hawak ng CCTV footage sa Senado.

Tiniyak ni Lacson na wala siyang sasantuhin sa imbestigasyon kahit pa madawit ang kapwa nito mambabatas, basta’t may lilitaw na resibo o matibay na ebidensya.

About The Author