Tumanggi si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na lagdaan ang hiling ni Senador Rodante Marcoleta sa Department of Justice na isailalim sa Witness Protection Program (WPP) ang mag-asawang Pacifico at Cezarah Discaya.
Ang sulat ay binalangkas ni Marcoleta noong ito pa ang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee matapos isalaysay ng mag-asawa sa Senado ang umano’y pagbibigay nila ng kickback sa ilang kongresista at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula sa flood control projects.
Naka-address ang liham kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, ngunit wala itong approval ng Senate President.
Sa pagdinig ng komite, iginiit na mapasailalim sa WPP ang mag-asawa dahil sa banta umano sa kanilang buhay.
Subalit sa panayam kay Sotto, sinabi niyang kailangan pang pag-usapan ang isyu at ipauubaya niya ito kay Senador Panfilo Lacson, bilang bagong chairman ng Blue Ribbon Committee.