Aminado si Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na lubhang nakakahiya para sa bansa ang kanselasyon ng loan mula sa Korea dahil sa isyu ng katiwalian.
Paliwanag ng senador, kabilang ang Korea sa mga nagbibigay ng loan na ginagamit ng Pilipinas para sa mga proyekto gaya ng mga kalsada, tren, at iba pang imprastraktura.
Subalit, dahil sa kanselasyon, posibleng nakita ng Korea ang nangyayaring katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kaya’t iniisip nilang madadamay ang kanilang ipapautang.
Dagdag pa ni Gatchalian, malaking hamon ito para sa gobyerno dahil nakalaan dapat sa imprastraktura ang malaking bahagi ng pambansang budget.
Nanindigan ang senador na mahalagang maimbestigahan nang maayos ang mga alegasyon ng katiwalian upang maibalik ang tiwala ng mga bansang nagpapautang sa Pilipinas.