dzme1530.ph

Dating DPWH sec. Bonoan at Usec. Cabral, idinawit sa flood control controversy                                               

Loading

“Flooded gates of hell.”

Ito ang naging titulo ng ikalawang privilege speech ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, na nagsabing mas lumalala ang kanilang natutuklasan kaugnay ng anomalya sa flood control projects.

Ibinunyag ni Lacson na nakita niya ang koneksyon ng dating DPWH Secretary Manny Bonoan sa kontrobersiya dahil sa kaugnayan ng kanyang anak sa isang construction company na may kontrata rin sa gobyerno.

Sa interpellation, sinabi ni Sen. Rodante Marcoleta na may impormasyon din siyang natanggap na tumatagos hanggang sa dating kalihim ang mga iregularidad.

Direkta namang idinawit ni Marcoleta si DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral bilang “utak” ng sindikato, dahil umano sa pagpapasok nito ng mga insertions sa budget. Ayon pa kay Lacson, tila “nilalako” pa ni Cabral ang mga ipapasok na insertions sa ahensya.

Muli ring binanggit ni Lacson ang tinagurian niyang “BGC Boys” o Bulacan Group of Contractors na bukod sa mamahaling relo, sapatos, at sasakyan ay milyon-milyon din ang ipinapatatalo sa mga casino.

Pinangalanan niya ang mga miyembro ng grupo na sina Engr. Henry Alcantara, Engr. Brice Hernandez, Engr. Jaypee Mendoza, Engr. Arjay Domasig, at isang Edrick San Diego, na dapat umanong imbestigahan sa posibleng money laundering.

Sa datos ni Lacson, umabot pa sa bilyong piso ang naipapalit ng grupo ng chips into cash sa mga casino.

About The Author