Posibleng isubasta ng Bureau of Customs (BOC) ang mga mamahaling sasakyan ng mag-asawang government contractors na sina Curlee at Sarah Discaya, matapos mabunyag na kulang ang binayaran nilang buwis.
Ayon kay Atty. Chris Noel Bendijo, deputy chief of staff ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, lumabas sa initial findings na kulang ang papeles sa ilan sa 28 sasakyan ng mag-asawa. Mahigit 10 dito ang walang kaukulang dokumento para sa customs duties at taxes.
Giit ni Bendijo, lumalakas ang hinala na mali ang importasyon at walang tamang buwis na nabayaran ng mga Discaya.
Ipinaliwanag din niya na sa ilalim ng batas, kapag lumampas sa 20% ang diperensiya ng dapat bayaran at aktuwal na nabayarang buwis, awtomatikong makukumpiska ng gobyerno ang mga ari-arian.