Iginiit ni Sen. Erwin Tulfo na napapanahon nang rebisahin o tuluyang ibasura ang batas na lumilikha sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).
Ito’y matapos nitong ibunyag na nakasaad sa Republic Act 4566 o “Contractors’ License Law” na dapat contractor muna bago maging director ng PCAB.
Ayon kay Tulfo, malinaw na may conflict of interest dahil hindi maaaring bantayan o pangasiwaan ng mga contractor ang mga proyekto ng pamahalaan kung sila mismo ay kabilang sa board.
Planong maghain ng senador ng resolusyon sa Senado upang suriin ang RA 4566 at pag-aralan kung dapat amyendahan ang requirement na contractor ang dapat nasa PCAB o tuluyang buwagin na ang licensing agency.
Nabatid na dalawa sa kasalukuyang board members ng PCAB na sina Engr. Erni Baggao at Engr. Arthur Escalante, ay may malalaking government projects, habang ang sinibak na chairman na si Engr. Pericles Dakay ay contractor din.
Bagama’t iginiit ni Dakay na wala itong nakuha na proyekto ng gobyerno, kwestyonable pa rin ang kanyang liderato dahil nakalusot ang contractors na dapat ay blacklisted na dahil sa substandard at ghost projects.