Pinag-aaralan ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na kumuha ng mga on-the-job trainees (OJT) upang makatulong sa pagtukoy ng mga iregularidad sa panukalang 2026 national budget.
Sinabi ni Gatchalian na madali lang ipagawa sa mga OJT ang pagtukoy sa mga red flag tulad ng mga proyektong magkakapareho, walang station number o eksaktong lokasyon, at iba pang kuwestyonableng proyekto.
Aminado ang senador na kailangan nila ng dagdag na tao dahil kulang ang tauhan sa Senado.
Ipinaliwanag nito na sa panukalang budget pa lamang ng Department of Public Works and Highways (DPWH), aabot na sa 4,000 flood control projects ang dapat suriin, hindi pa kasama ang kalsada at tulay.
Una nang inihayag ni Gatchalian ang pagkadismaya sa Department of Budget and Management matapos makalusot ang sangkaterbang red flags sa panukalang budget ng DPWH.