Naniniwala si Globe President at CEO Carl Cruz na ang artificial intelligence (AI) ay hindi lamang makapangyarihang kasangkapan kundi nag-uudyok ng pagbabago sa pamumuno at pagpapatakbo ng mga organisasyon.
Sa Amazon Web Services (AWS) Cloud Day Philippines 2025, sinabi nito na lumampas na ang generative AI sa simpleng automation at pagtitipid, at nagbukas ng panibagong panahon ng “augmented intelligence.”
Ibinida rin ni Cruz ang paggamit ng Globe ng AI sa operasyon, customer experience, at inobasyon, kabilang ang AI Enablement Program na nagbibigay-kakayahan sa mga empleyado na bumuo ng sariling AI tools. Isang grupo aniya ang nakagawa ng bot na nagpalawak ng pagsusuri sa customer conversations mula 5% hanggang 100%, na nagbawas ng gastos at nagtaas ng kalidad.
Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng responsable at etikal na paggamit ng AI sa pamamagitan ng AI Advocacy Guild, na nakatuon sa data privacy at cybersecurity. Dagdag pa rito, pinalalakas ng Globe ang pangako sa global best practices sa pakikipag-alyansa sa GSMA, OpenAI, at Singtel’s Global Telco AI Alliance.
Tinukoy din ni Cruz ang tinatawag nitong “AI Kitchen” approach, kung saan inuuna ang pagpapatatag ng mga pangunahing kakayahan at pundasyon bago ilunsad ang mga indibidwal na gamit ng AI. “We assess each one like a business case,” aniya. “We don’t build for the sake of it, we build for impact.”
Kinilala rin nito ang mga hamon gaya ng legacy systems at regulasyon, subalit sinabi niyang tinutugunan ito ng Globe sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa integration at data maturity.
Sa huli, nanawagan si Cruz sa mga lider na yakapin ang curiosity, bigyang-kapangyarihan ang kanilang mga team, at maging handa sa pagbabago. “GenAI isn’t just a technology shift, it’s a mindset shift,” aniya.