Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na wala pa silang natatanggap na Lookout Bulletin Order mula sa Department of Justice (DOJ) laban sa 20 indibidwal na umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, patuloy silang nakamonitor sakaling maglabas ang DOJ ng hold departure order laban sa mga naturang opisyal.
Tiniyak din ni Sandoval na mabilis lamang, “minuto lang,” bago maipadala sa iba’t ibang paliparan sa bansa at maging sa ibang bansa ang lookout bulletin order kapag natanggap na nila ang opisyal na kopya mula sa DOJ.
Samantala, tinutukoy na rin ng ahensiya sa kanilang internal system ang mga lumabas na pangalan bilang paghahanda sa posibleng imbestigasyon at pangongolekta ng datos.
Paglilinaw ni Sandoval, hindi mapipigilan ng Lookout Bulletin Order ang mga nasabing indibidwal na umalis ng bansa hangga’t walang inilabas na Hold Departure Order.
Una nang nanawagan si DPWH Sec. Vince Dizon sa DOJ na maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order laban sa mga opisyal ng DPWH at contractors na maaaring magtangkang umalis ng bansa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.